Sep 16, 2010

Isang tasang malamig na gatas

Here's my first crappy flash fiction. Just thought I'd try my hand at it.

-----


“ALIS!”

Sinipa niya papalayo ang puting pusang tumabi sa kanya habang nakasalampak siya sa sahig ng kanyang kwarto. Ngumiyaw ang alagang pusa na tila galit at tumakbo papalayo. Habang hawak niya ang isang tasang puno ng mainit na gatas, hindi niya mapigil ang matang paulit-ulit na sumusulyap sa kanyang selpon na katabi rin niya sa sahig. Walang mensahe. Walang miscol. Isang oras. Dalawang oras. Wala pa rin. Lumalamig na ang isang tasang gatas na kanyang hawak ngunit ‘di niya parin ito iniinom. Hindi pa muna. Isang oras pang maghihintay. Isang oras na palugit.

Maya-maya’y nariyan nanaman ang alagang pusa ngunit ‘di na ito gaanong lumapit dahil sa nanlilisik na tingin ng kanyang amo. Nagtitigan lang sila ng matagal. Tumingin siyang muli sa kanyang selpon. Ala una na ng madaling araw. Wala parin. Napapikit at napakunot ang kanyang noo dahil sa galit. Naubos na ang pasensya. Unti-unti niyang inilapit sa mga labi ang isang tasang malamig na gatas.

Beep Beep.

Ilang sentimetro nalang ang layo ng tasa sa kanyang bibig nang marinig niya ang pagdating ng isang mensahe sa kanyang selpon. Dali niyang ibinaba ang tasang agad nilapa ng gutom na alagang pusa.

“Xenxa na, naun lang q reply. Nalowbat ako.”

Nakahinga siya ng maluwag at napangiti. Agad siyang tumayo mula sa pagkakasalampak sa sahig at tinapik ng marahan ang ulo ng alagang pusang lumalapa sa kanyang isang tasang malamig na gatas. Ilang sandali pang pagpipindot sa selpon at siya’y napapapikit narin sa antok. Sa huling sandali, bago manaig ang mabigat na talukap ng kanyang mga mata, napansin niyang ‘tila nakatulog narin ang kanyang alagang pusa sa tabi ng tasa na ngayo’y kalahati na lamang ang laman.

----

Thoughts? Comments? Violent reactions? :))

No comments:

Post a Comment